Kabanata 965
Nang makita ni Alex si Dorothy na lumitaw sa kwarto at nakaharap si Zendaya sa unang pagkakataon, naramdaman niya ang matinding sakit ng ulo.
Dahil sa sobrang lamig ng mukha ni Dorothy, lalo siyang hindi mapakali.
Hindi siya sigurado kung masyado ba siyang nag-iisip, ngunit mula nang maghiwalay sila, at bagama’t sa wakas may nangyari na sa kanilang dalawa, umaabot sa puntong nagsanib na sila ng laman at espiritu, kung saan dapat ay mas malapit na sila kaysa dati, ngunit tila nagkaroon ng kabaligtaran na epekto, lumilikha ng pader sa pagitan nila sa halip. Sila dapat ang pinakamalapit na tao ng isa’t-isa, ngunit parang hindi man lang magkalapit ang kanilang mga kaluluwa.
Halimbawa, ngayon, ang malamig na tingin sa mukha ni Dorothy ay tila may aura sa paligid niya na hindi dapat kuwestiyunin.
“Ehem. Dorothy, ganito kase…”
Magsasalita pa lang si Alex, nang biglang tumunog ang phone niya.
Tahimik siyang natuwa nang mangyari iyon, at naisip niya, ‘Sakto lang yung dating ng tawag. Kung sino man iyon, makakaalis na ako kapag sinagot ko iyon. Kailangan ko talagang maayos na ipakita ang aking pasasalamat sa taong ito. Tunay na tagapagligtas ng buhay ang tawag na ito!’
Nang tingnan niya ang tumatawag, nakita niyang si Hailey iyon.
‘Naku, naku. Ate Hailey, mahal na mahal kita hanggang kamatayan.’
Agad niyang sinagot ang tawag. “Ate Hailey! Napatawag ka... may nangyari ba?”
Ngunit ang nanggaling sa kabilang banda ay boses ng isang matanda.
“Rockefeller, nasa mga kamay ko ang kapatid mo. Kung mabubuhay o mamamatay man siya ay depende sa gagawin mo sa mga susunod na sandali.”
Woosh!
Parang sasabog ang utak ni Alex nang marinig niya iyon. Ang nahihiya at bigong kilos na ipinakita niya kanina lang ay naglaho kaagad, napalitan ng matalim na aura na parang nakabunot na espada.
Isang nakamamatay na tingin ang bumungad sa kanyang mukha. “Sino ka?”
“Hahaha! Nakalimutan mo na agad ang isang matanda? Noong nasa tahanan ka ng mga Stoermer sa Michigan, hindi ba’t napakayabang mo? Hindi ba napakagandang palabas ang itinanghal mo, ipinapakita mong may kakayahan kang tumawag ng libu-libong mga diyos ng kulog? Bibigyan ka ng pagkakataon ng matandang ito. Nasa labas ako ng bahay mo ngayon. Halika at patayin mo ako gamit niyang kulog mo. Kung hindi mo kaya, wawasakin ko ang buong pamilya mo.”
“Ikaw... Ikaw si Terrance Coleman?”
“Tama, ako nga. Bibigyan kita ng kalahating oras, kapag hindi ka umabot sa oras na iyon, mawawalan ng buhay ang kapatid mo. Kung wala ka pa rin dito pagkatapos ng apatnapung minuto, mamamatay din yung anak niya.”
Nang marinig iyon ni Alex, tumindi ang galit sa kanyang dibdib. Kinuyom niya ang kanyang mga ngipin at sumirit, “Pati si Zoey dinamay mo?!”
“Heh heh, hindi ka naniniwala sa akin? Halika nga dito, kausapin mo yung kapatid mo.”
Sa lalong madaling panahon, narinig ni Alex ang mga sigaw ni Hailey. Idinulot iyon ni Terrance, sinisipa ang nabali nitong binti. Paanong matitiis ng ordinaryong babaeng tulad nito ang ganoong sakit?
Pagkatapos, dumating ang mga iyak ni Hailey. “Kuya, sinaktan nila si Zoey. Nauntog yung ulo ni Zoey sa hardin, at maraming dugo. Hindi siya nagigising... Anong gagawin natin? Talagang makapangyarihan yung matanda, at sinabi niyang wawasakin ka niya. H-h-huwag ka nang pumunta... ahhh!!!”
May sumigaw.
Halatang nabugbog na naman si Hailey.
Boom!
Halos agad-agad, lumabas ang nakamamatay na aura mula kay Alex.
Nang pumutok ang aura, ang unang nadamay ay ang mesa sa tabi niya. Nabigo itong makayanan ang suntok at maging ang mga pinggan sa ibabaw nito ay tumilapon sa ere.
Nagulat lahat ng tao sa kwarto.
“Terrance Coleman, makinig ka sa akin. Kung may mangyari man sa kanila, sinusumpa ko, uubusin ko ang buong pamilyang Coleman mo, at walang matitira ni isa.”
Natapos ang tawag, at kinakabahang nagtanong si Zendaya, “Iyon ba ang dakilang elder, si Terrance Coleman? Hinahanap ka ba niya?”
Matalim ang mga mata ni Alex na parang kutsilyo. “Aalis na ako.”
Sinabi ni Zendaya, “Sasama ako sa’yo, makakatulong ako.”
“Hindi na kailangan, dito ka na lang.”
Lumingon siya para tingnan si Dorothy, nakipagtitigan ng dalawang segundo. Pagkatapos, agad niyang pinaandar ang bilis niya at aalis na sana nang bigla siyang inabot ni Dorothy para sunggaban siya.
“Hah… ?”
“Huwag mong ipilit ang sarili mo. Kaligtasan muna.”
Libu-libong salita ang nasa magagandang mata niyang iyon habang nakatingin kay Alex.
Tumango si Alex, saka nagmamadaling lumabas ng restaurant sa isang kisapmata.
Sandaling nagulat si Claire. Hindi niya alam kung ano talagang nangyari, ngunit maaari lang niyang hulaan na malamang na nagkaroon ng problema si Alex. Nasiyahan siya sa kamalasan nito. “Heh heh, malamang may natapakang sapatos ng iba ang taong ‘to, bakit ka pa nagmamalasakit sa kanya? Wala siyang utang na loob, at kung mamatay siya, sigurado akong dahil karapat-dapat iyon sa kanya.”
Walang pakialam na tumingin si Dorothy sa kanyang ina, “Bigla kong naalala na may gagawin pala ako sa kumpanya, kaya aalis muna ako. Pakisabi na lang kay Auntie.”
“Hay, ikaw…”
Gayunpaman, tumalikod na si Dorothy at talagang umalis, ganoon na lamang, na tila naiinis sa sariling ina.